Inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kabuuang 141,724 na unit ng passenger jeepneys at UV Express para sa P10-per-liter na fuel discount subsidy ng gobyerno.
Ayon kay LTFRB Chairman Vigor Mendoza II, ang bilang na ito ay sumasaklaw sa lahat ng rehiyon batay sa kanilang database ng kwalipikadong benepisyaryo, kung saan 12,688 na ang nagrehistro ng matagumpay na transaksyon.
“This is proof that the government is still really taking care of the PUV sector despite the improvement of the prices of petroleum products,” ani Mendoza.
Balak din itong palawakin upang saklawin ang iba pang public utility vehicles (PUVs). “This will not only benefit the drivers and operators but also the commuters as well,” dagdag niya.
Ang fuel discount subsidy ay inilunsad muna sa piling gasoline stations sa Metro Manila sa pakikipagtulungan ng Department of Energy (DOE), at ngayo’y ipinatutupad na sa buong bansa sa 4,299 na participating gasoline stations, mula sa dating 50 stations sa National Capital Region.
Sa ngayon, nakapamahagi na ang gobyerno ng higit P13.3 milyon para sa discount subsidies.
Bukod sa P10-per-liter discount, inaprubahan rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang P5,000 fuel subsidy para sa PUV drivers at operators, pati na ang service contracting program para higit pang matulungan ang mga pasahero.
Makakasali lamang ang PUVs na may valid franchises; Limitasyon ng fuel subsidy: 150 liters kada linggo bawat unit at kapag nakumpirma ang license plate, awtomatikong maiaaplay ang discount.















