-- Advertisements --

Nagbabala si Atty. Kristina Conti, Assistant to Counsel, na ang patuloy na pagbabantang ginagawa ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa International Criminal Court (ICC) ay nagiging ebidensiya mismo ng prosekusyon upang tutulan ang mga hiling na pansamantalang palayain si Duterte.

Aniya, hindi na nila pakikialaman ang mga nagagawang sablay ng kanilang mga katunggali, sabay giit na ang paulit-ulit na pag-deny ng pagiging lehitimo ng ICC ay lalo lamang nagpapalakas sa posisyon ng prosekusyon.

“Ano nga yung kasabihan? Do not interrupt when your enemy is making a mistake? Yang pagbabanta sa ICC at pag-deny ng legitimacy nito ng mga Duterte supporter, nagagamit ng prosecution para ioppose ang interim release. Hala sige ituloy nyo lang yan mga ka-DDS,” wika ni Conti.

Matatandaang noong Abril 23, 2026, kinumpirma ng ICC ang tatlong kaso ng crimes against humanity laban kay Duterte kaugnay ng libo-libong patayan sa kampanya kontra droga, at nakatakdang magsimula ang paglilitis sa pagitan ng Oktubre 2026 hanggang Pebrero 2027.

Dalawa sa pangunahing abogado ni Duterte ang nagbitiw kamakailan, dahilan upang magpalit ng depensa ang dating pangulo, ngunit iginiit ni Conti na hindi ito makakaapekto sa lakas ng ebidensiya laban sa dating presidente.

Sa kabila ng mga taktika ng depensa, nananatiling matatag ang kampo ng mga biktima at naniniwalang ang mga pampublikong pahayag ng mga tagasuporta ni Duterte ay lalo lamang nagiging dahilan upang mas tumibay ang kaso ng prosekusyon sa ICC.