-- Advertisements --

Ipinalilipat na ngayon ng Manila Regional Trial Court Branch 51 si dating Negors Oriental Representative Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. ng kulungan.

Sa inilabas na resolusyon ng naturang korte, ipinag-uutos nito na mailipat ang dating kongresista tungo sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) compound, Camp Bagong Diwa ng Taguig City.

Kasalukuyan kasing nasa building 14, detention facility ng National Bureau of Investigation sa Muntinlupa City si former Negros Oriental Representative Arnie Teves Jr. buhat ng maaresto at dalhin mula bansang Timor Leste.

Kaugnay sa inisyung ‘commitment order’ ng Manila RTC Br. 51 ay ang pagbasura nito sa mosyon ng kampo ni ex-Cong. Teves.

Kung saan hindi nito pinaburan ang hiling na huwag ng mailipat ng kulungan habang kinakaharap ang mga patung-patong na kaso.

Ang naturang korte ang siyang may hawak sa kaso nitong may kinalaman sa naging madugong pagpatay kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo noong 2023.

Si Teves kasi ang itinuturong ‘mastermind’ o may pakana sa likod ng naganap na pagpaslang sa naturang dating gobernador.

Kaya’t kanyang kinakaharap ngayon ang nasa 10 counts of Murder, 13 counts of frustrated murder at 4 counts of attempted murder.