-- Advertisements --
Cagayan de Oro Lone District Rep. Constantino "Tennix" Jaraula

CAGAYAN DE ORO CITY -Maghahain ng motion for reconsideration (MR) ang kampo ni dating Cagayan de Oro Lone District Rep. Constantino “Tennix” Jaraula sa Sandiganbayan 1st Division ukol sa ipinataw na guilty verdict nang kinaharap na kasong graft and malversation of public funds.

Ito ay mayroong kaugnayan pa rin sa kontrobersyal na P10 billion pork barrel fund scam na ipinatakbo noon ng negosyante na si Janet Lim Napoles kung saan nadawit si Jaraula ng umano’y panglulustay ng pondo para sa pansarili na kapakanan.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Jaraula na bibigyan nito ng pagkakataon ang Sandiganbayan na baguhin ang kanilang desisyon dahil wala naman umano siyang kasalanan ukol sa kaso na ipinukol laban sa kanya.

Inihayag ng dating alkalde rin ng Cagayan de Oro na si Jaraula na isang malaking kabulastugan ang akusasyon ang ipinukol sa kanya na wala namang sapat na mga ebedensiya.

Si Jaraula ay pinatawan ng korte na makukulong ng anim hanggang sampung taon ng tatlong counts ng kasong graft habang 12 hanggang 18 taon rin dahil sa malversation.

Inutusan rin si Jaruala, Napoles at tatlong iba pa na isauli ang nasa 56 milyong piso at hiwalay na anim na milyong piso kasunod ng kanilang pagka-konbikto sa dalawang kasong kriminal.

Magugunitang inakausa ng korte na ibinulsa umano ni Jaraula na nasa halos P20 milyon mula sa kanyang pork barrel nang idinaan sa Technology Resource Center at suspected bogus Napoles owned Countrywide Agri and Rural Economic Development Foundation noon kaya sila kapwa kinasuhan.