-- Advertisements --

ILOILO CITY – Sumuko na sa mga otoridad ang dating punong barangay ng Libertad, Lapuz, Iloilo City at blocktimer na si Sumakwel Nava kaugnay sa kinakaharap na kasong libel.

Ang nasabing kaso ay isinampa ni dating Iloilo 4th District Cong. Ferjenel Biron dahil umano sa malisyosong pahayag ni Nava noong nakaraang eleksyon.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay dating Iloilo City Councilor Plaridel Nava, anak ni Sumakwel Nava, sinabi nito na hindi na hinintay ng kanyang ama na isilbi sa kanilang bahay ang warrant of arrest.

Ayon kay Nava, hindi nagustuhan ni Biron ang naging pahayag ng kanyang ama na mga pekeng gamot ang ipinamigay nito noong nakaraang campaign period.

Pero depensa nito, hindi haka-haka ang sinabi ng kanyang ama dahil ibinase ito sa resulta ng imbestigasyon ng Food and Drug Administration.

Maliban dito, tinawag din ng nakakatandang Nava na election loser at hindi maganda ang ibinibigay na serbisyo ni Biron.

Sa kabila nito, inaasahan naman nila ayon kay Nava ang karagdagang kaso na isasampa ng dating mambabatas.