ILOILO CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa pagpatay sa dating barangay captain ng Pali Benedicto, Mandurriao, Iloilo City.

Ang biktima ay kinilalang si dating punong barangay at ngayo’y Kagawad Joel Obregon.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Lieutenant Colonel Hilarion Roga, pinuno ng Scene of the Crime Operatives sa Police Regional Office 6, sinabi nito na nagawa pang makatakbo ng biktima nang makita nito ang isa sa mga suspek na bumaba ng motorsiklo.

Ngunit hinabol ito ng suspek at binaril hanggang sa mamatay matapos mapuruhan sa dibdib at likod.

Narekober naman sa crime scene ang siyam na basyo ng bata ng .45 caliber pistol.

Ayon kay Roga, hindi nauugnay ang biktima sa iligal na droga.