LA UNION – Sumakabilang-buhay na ang isa sa mga batikan na komentarista at dating kasamahan ng Bombo Radyo La Union na si Abraham a.k.a. “Abe” Ocasion.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa panganay ni Ocasion na si Joel, sinabi nito na bandang alas-4:00 kahapon, May 17, nang pumanaw ang kanyang ama sa kanilang bahay sa Barangay Bet-ang, Balaoan, La Union.
Ayon kay Joel, unang nakaranas ng mild stroke ang kanyang ama at dinala sa ospital noong Abril 16 ngunit pinahintulutang ding makauwi matapos mag-normalize ang blood pressure nito at nabigyan na lamang ng mga kakailanganin na gamot.
Pero naging malala na ang kondisyon nito hanggang sa tuluyang binawian ng buhay pagkatapos ng isang buwan na pagkaratay.
Naging bahagi ng Bombo Radyo La Union si Ocasion mula 1988 hanggang sa nagretiro noong 2013.
Mula sa pagiging field reporter at tinaguriang “The Original Scooper,” naging commentator din ito, News Director, hanggang sa itinalagang Asst. Station Manager.
Matapos magretiro sa Bombo Radyo, ipinagpatuloy nito ang isa sa kanyang passion na pagiging pastor pero huminto noong ipatupad ang enhanced community quarantine sa buong Luzon dulot ng Coronavirus Disease 2019 pandemic, dahil sa pagiging senior citizen.
Inulila ni dating “Bombo Abe” ang kanyang asawa na si Nieves at tatlong anak na sina Joel, Marvellous, at Amable.
Nakatakdang ilibing ang labi ni Ocasion sa Miyerkoles, May 20, sa Balaoan Public Cemetery.