-- Advertisements --

Sinentensyahan ng hanggang 10-taong pagkakakulong ang isang dating alkalde sa Bohol matapos hatulang guilty ng Sandiganbayan sa kasong may kinalaman sa fertilizer fund scam.

Batay sa desisyon ng 3rd Division na may petsang September 6, nakasaad na hindi dumaan sa public bidding ang paggawad ng kontrata ni dating San Isidro, Bohol Mayor Requillo Samuya sa Akame Marketing International noong 2004.

Nag-ugat ang kaso ni Samuya matapos bilhin ang nasa P975,000 halaga o higit 800-kilo ng NBEM-21 Microaid Activator.

Kabilang sana ito sa P723-milyong Farm Inputs and Farm Implements program noon ng Department of Agriculture.

Una ng dumepensa si Samuya at sinabing hindi pa naisasabatas noon ang pagbuo ng Bids and Awards Committee (BAC) kaya direktang iginawad ng lokal na pamahalaaan ang kontrata.

Pero giit ng anti-graft court, mandato ng dating alkalde ang activation ng BAC para ito mismo ang humawak sa procedure ng procurement.

Bukod kay Samuya, pareho rin ang sintensya sa kapwa akusado nito na si Edilberto Apostol ng nabanggit na kompanya.

Nananatiling at large si Apostol at pinaghahanap pa ng mga otoridad.