LEGAZPI CITY – Sinariwa ng dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Group chief sa dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang naging takbo ng mga pangyayari sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009.

Kabilang si police Lt. Col. Nilo Berdin Jr. sa mga nanguna sa imbestigasyon noon sa malagim na sinapit ng 58 katao sa Maguindanao massacre.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ikinagalak ni Berdin ang desisyon ni Quezon City Judge Jocelyn Solis-Reyes sa kasong higit isang dekada ang itinakbo.

Pero sa kabila nito, nakakaramdam daw siya ng pagkaawa sa ilang kasamang pulis, lalo na sa police non-commissioned officers (PNCOs) na na-dismiss sa serbisyo.

Pati na sa mga nakulong ng 10 taon dahil sa pagsunod sa utos ng senior officials na inakalang lehitimong operasyon.

Matapos ang pag-abswelto sa ilan, umaasa si Berdin na may oportunidad na naghihintay sa mga ito at makaka-move on sa nangyari.

Noong November 9, 2009 nang maidestino ito sa lugar su Berdin nang mangyari ang itinuturing na pinakamatinding election-related violence sa kasaysayan ng Pilipinas.

Walong buwan rin ito sa posisyon subalit nagtapos sa masaklap na dismissal bunsod ng serious neglect of duty matapos mawala ang mga bala na nasa custodial watch na itinuturing na importanteng ebidensya sa masaker.

Inilaban ni Berdin ang kaso kaya’t muling na-reinstate sa pagkapulis noong taong 2016.

Sa kabila nito, matapang na sinabi ni Berdin na bukas na humawak ng posisyon sa lalawigan ngunit mistulang hindi na kakayanin dahil isang buwan na lamang at magreretiro na ito sa serbisyo.