Mariing tinutulan ng dalawang dating kalihim ng gabinete na nagsilbi sa ilalim ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mga panawagan na paghiwalayin ang Mindanao mula sa iba pang bahagi ng bansa, at nagbabala na hindi magdadalawang-isip ang gobyerno na gamitin ang awtoridad at pwersa nito para pigilan ang anumang pagtatangkang paghiwa-hiwalayin ang Republika.
Sa isang pahayag, hinimok ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Carlito Galvez ang sambayanang Pilipino na tanggihan ang anumang panawagan o kilusan na naglalayong guluhin ang Pilipinas, lalo na ang mga panawagan na paghiwalayin ang Mindanao sa iba pang bahagi ng Pilipinas.
Sinabi ni Secretary Galvez, na naging chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ni Duterte, na ang panawagan para sa paghihiwalay sa Mindanao ay hindi lamang tumutuligsa sa Konstitusyon kundi salungat din sa mga prinsipyo ng nagkakaisang Pilipinas, gayundin sa mga pagsisikap na wakasan ang ilang dekada ng armadong labanan sa Mindanao.
Samantala, tinanggihan din ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año, na nagsilbi bilang Interior secretary ni Duterte, ang mga panawagan na paghiwalayin ang Mindanao mula sa iba pang bahagi ng Pilipinas.
Ayon kay Año ang panawagan para sa pagkakahati ay “nagsisilbi lamang upang pahinain” ang sama-samang pagsisikap ng sambayanang Pilipino tungo sa pag-unlad at kaunlaran.
Binigyang-diin din ni Año na ang komprehensibong prosesong pangkapayapaan ay dapat puspusang pangalagaan at pagtibayin sa pagwawakas ng mga dekada ng armadong tunggalian sa Mindanao.
Sa gitna ng panawagan na paghiwalayin ang Mindanao mula sa iba pang bahagi ng Pilipinas, binigyang-diin ni Año na uubusin ng gobyerno ng Pilipinas ang lahat ng mga legal na remedyo at hindi magdadalawang-isip na gamitin ang “awtoridad at pwersa nito upang sugpuin at pigilan ang anuman at lahat ng pagtatangka na buwagin ang Republika.