-- Advertisements --

Nagsimula na ang plano para mailikas ang daan-daang barko at mahigit 11,000 seafarers na kasalukuyang stranded sa Gulf region kasunod ng tigil-putukan sa pagitan ng Iran at Estados Unidos.

Ayon sa International Maritime Organization (IMO) ng United Nations, nakikipag-ugnayan na sila sa mga barkong nasa lugar upang simulan ang ligtas na paglalayag palabas ng Strait of Hormuz.

Tiniyak rin ng IMO, na ligtas ang gagawing evacuation para sa mga stranded na barko at tripulante sa rehiyon.

Isasagawa ang malawakang operation sa pakikipagtulungan ng Iran, Oman, Estados Unidos, at iba pang kumpanya.

Ayon naman sa Ministry of Defense ng Oman, nakatakdang gawin ang evacuation sa isang phased o paunti-unting pag-rescue upang maiwasan ang banggaan sa naturang karagatan.

Sa ngayon hindi muna gagamitin ang Traffic Separation Scheme o ang pangunahing shipping route sa Strait of Hormuz. Sa halip, dalawang pansamantalang ruta muna sa hilaga at timog ng nasabing daanan ang gagamitin para sa ligtas na paglikas ng mga barko.

Ang Traffic Separation Scheme ay itinakda ng International Maritime Organization noong 1968 upang ayusin ang daloy ng mga barkong nadaan sa pagitan ng mga karagatan ng Iran at Oman sa Strait of Hormuz.