Nanawagan ang Human Rights Committee ng European Parliament sa Pilipinas na muling sumali sa International Criminal Court (ICC) at i-decriminalize ang mga batas sa libel at cyberlibel upang mapabuti ang record ng karapatang pantao nito.
Ayon kay European Parliament Sub-Committee on Human Rights Vice-chair Hannah Neumann, napag-alaman sa delegasyon ang pagpapatuloy ng extra judicial killings sa ating bansa.
Iginiit ni Neumann ang kahalagahan ng pag-iimbestiga sa bawat naturang mga kaso at ang pagtiyak ng pananagutan ng mga may kasalanan.
Binigyang-diin ng mga miyembro ng naturang parliyamento na ang muling pagsali ng Pilipinas ng Rome Statute ng International Criminal Court na kung saan ang lahat ng miyembrong estado ng European Union ay lumagda at ito aniya ay magpapatibay sa nakasaad na pangako ng gobyerno sa paglaban sa impunity.
Nilagdaan ng Pilipinas ang Rome Statute noong 2011 ngunit nag-pull out ito noong March 2018 sa panahon ng pamumuno ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Una ng binigyang-diin ng European parliament ang kahalagahan ng isang masiglang civil society at free media upang gumana ang mga demokrasya para sa bansa.