
Hindi na nakaligtas pa sa bingit ng kamatayan ang isang grade 6 student ng Benito Nieto Elementary School sa bahagi ng San Jose Del Monte, Bulacan na aksidenteng nabaril ang kaniyang sarili.
Ayon kay San Jose Del Monte City Chief of Police, P/Lt/Col. Ronaldo Lumactod, bandang ala-1 ng hapon binawian ng buhay ang nasabing biktima.
Sa ulat, sinasabing nakitaan ng shrapnel sa utak ang bata dahilan kung bakit isinailalim agad ito sa CT scan ngunit hindi na nito kinaya pa.
Kaugnay nito ay inatasan na ni Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. ang Bulacan Provincial Police Office na imbestigahan kung papaano napasakamay ng estudyante ang nasabing baril.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-5:40 ng umaga nangyari ang naturang insidente sa Comfort room ng naturang paaralan.
Palihim na kinuha ang baril ng kaniyang ama na nakatago sa kabinet at dinala ito sa eskwelahan.
Habang pinaglalaruan ay bigla umano itong pumutok at tinamaan ng bala ang baba ng bata na tumagos naman sa kaniyang ilong.
Agad namang naisugod sa pinakamalapit na ospital ang nasabing biktima pagkatapos ng nangyaring aksidente.
Napag-alaman na isang Baretta service firearm ang baril na ginamit ng estudyante na pag-aari ng kaniyang ama na si Police Executive Master Sgt. Sherwin Dascil na kasalukuyang nakadestino ngayon sa Kampo Crame.










