-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Namatay ang isang mag-aaral at nasugatan ang dalawang bata sa banggaan ng kolong-kolong at SUV sa Brgy. Daligan, Jones, Isabela.

Nasawi ang nagmamaneho ng kolong-kolong na si Mark Jayson Bangloy, 14 anyos , estudyante habang sugatan naman ang dalawang pasahero nito na sina Nathaniel 9 anyos at Kairuz, 4 anyos, pawang mga residente ng Brgy. Daligan, Jones, Isabela.

Ang driver naman ng Mitsubishi Montero ay si Danilo Lotino, 51 anyos , may-asawa, negosyante at residente ng Brgy. Usol, Jones, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMajor Felixberto Lelina , hepe ng Jones Police Station na pauwi na sa kanilang tahanan ang mga batang sakay ng kolong kolong at nang malapit na sa kanilang tahanan ay nabangga sila ng SUV na minamaneho ni Lotino.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na umagaw ng linya ang sasakyan at hindi napansin ang kolong kolong na sinakyan ng mga bata sanhi para mabangga ang mga ito.

Dinala sa pagamutan ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician si Bangloy habang nasa kritikal na kondisyon si Nathaniel at nasa stable nang kondisyon si Kairuz.

Ang pamilya ng nasawing bata ay desididong magsampa ng kaso laban sa tsuper ng SUV.