-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Arestado ang isang senior high school student sa Sagay City, Negros Occidental dahil sa pagpapakalat ng fake news na siya ay positibo sa COVID-19.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Major Antonio Benitez, hepe ng Sagay City Police Station, kinilala nito ang naarestong estudyante na si Argie Ligaray, 18-anyos ,at residente ng Purok Singbenco, Barangay Plaridel, Sagay.

Ayon kay Benitez, nagpost si Ligaray sa social media na siya raw ay COVID-19 positive.

Pinigilan pa ng kanyang mga kaibigan si Ligaray sa pag-post ng naturang impormasyon at sinabihang burahin kaagad ito.

Subalit nagmatigas aniya si Ligaray at hindi binura ang kanyang post sa social media, bagay para arestuhin ito ng pulisya.

Nagtangka pang tumakas si Ligaray sa kagubatan pero kalaunan ay naaresto rin ito.

Sa ngayon, nakakulong si Ligaray sa Sagay City Police Station at nahaharap sa kasong Section 6 ng Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act of 2020 na nagbabawal ng pagpapakalat ng false information tungkol sa virus.