Tinawag na “sinungaling at mag-research” ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada si House of Representatives spokesperson Princess Abante matapos nitong paratangan na ang Senado umano ang nagbasura ng panukalang dagdag na sahod sa mga manggagawang Pilipino.
Bigo kasi ang Kongreso na maaprubahan ang isinusulong na umento na sahod para sa mga minimum wage earners sa pribadong sektor dahil hindi naisalang sa bicameral conference committee ang magkaibang bersyon ng Senado at Kamara para sa dagdag na sahod.
Panukalang dagdag na P200 ang itinutulak ng Kamara samantalang P100 naman ang Senado.
Ayon kay Estrada, sinungaling si Abante at kabago-bago lamang nito at hindi nagsasaliksik.
Noong nakaraang taon pa nila aniya ipinasa ang P100 wage hike bill samantalang sila aniya ay inabot ng taon bago maipasa ang kanilang bersyon ng P200.
Paglilinaw pa ng senador, hindi nila pinagdadamutan ang mga manggagawa sa kanilang bersyon na P100 sapagkat ito aniya ang “ideal” o naangkop dahil kinokonsidera rin ang lagay ng ekonomiya ng bansa.
Lalo aniyang maraming mawawalan ng trabaho kung sakaling pagtibayin ng Senado ang bersyon ng Kamara na P200 wage hike bill dahil maraming kompanya ang magsasara — lalo na ang mga small medium enterprises dahil hindi nila ito kakayanin.
Dahil bigong maihabol sa 19th Congress ang panukalang wage hike bill ng dalawang Kongreso, kinakailangan ulit itong ihain sa 20th Congress.
Sinabi ni Estrada, panukalang dagdag na P100 pa rin ang kanilang ihahain sa Senado Sa 20th Congress at hindi na pwede pang dagdagan dahil posible aniyang gumuho ang ekonomiya ng Pilipinas.