Nagpahayag ng kahandaan ang Estados Unidos na sumuporta sa regular na isinasagawang rotation and resupply mission ng tropa ng mga militar sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ito ang inihayag ni Armed Forces of the Philippine chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr. kasunod ng kaniyang phonecall meeting kay United States Chairman of the Joint Chiefs of Staff General Charles Brown Jr.
Sabi ni Gen. Brawner, kabilang sa kanilang mga natalakay sa naturang pagpupulong ay ang pinakahuling magkasunod na insidente ng pangbobomba ng tubig ng China sa mga barko ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc at Ayungin shoal nitong nakalipas na weekend.
Ngunit gayunpaman ay nilinaw ng heneral na ang pagsuporta na ito ng Amerika sa Pilipinas ay hindi sa pamamagitan ng pag e-escort sa mga barko ng ating bansa, at bagkus ay sa pamamagitan aniya ng pagbibigay ng impormasyon tuwing magsasagawa ang Pilipinas ng resupply mission.
Kung maaalala, una nang sinabi ni AFP chief Brawner na sa kabila ng mas agresibong mga aksyon ng China sa West Philippine Sea ay hindi pa rin kinakailangan muling i-invoke ang mutual defense treaty ng Pilipinas at Estados Unidos sapagkat ginagawa lamang ito aniya sa tuwing magkakaroon ng armadong pag-atake sa mga barko ng Pilipinas.