Muling nanawagan si Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa mga ospital matapos maiulat na may ilan pa ring tumatanggi sa pagtanggap ng non-COVID patients dahil sa dami ng naka-admit na pasyenteng infected ng virus.
Ayon sa opisyal, may existing na Department Circular No. 2020-0167 kung saan nakasaad na hindi dapat huminto ang mga ospital at healthcare facilities sa pagtanggap ng pasyente kahit nasa gitna ng COVID-19 crisis.
Bukod sa mga pagamutan, mandato rin daw ng mga local government unit na tutukan ang health services sa kanilang lugar, gayundin na makapagbigay sana ng kulang o dagdag suportang serbisyo.
“Kabilang sa mga essential healthcare services na kailangang maibigay pa rin bukod sa pagpapa-ospital ay ang mga sumusunod:
- Pangangalaga sa mga buntis. Itong mga antenatal at post-partum services. Maaaring yung birthing facilities ay kailangang bukas pa rin para sa mga buntis na manganganak.
- Essential intrapartum ang new born care, lalo na patuloy na mabigyan ng kahalagahan ang gatas ng ina, o exclusive breastfeeding.
- Dapat ituloy ang immunization. Yung mga bakuna sa ating mga anak o bata na zero to 12 months old.
- Management of malnutrition ang micronutrient supplementation
- Gamutan sa mga sakit na ating ibinibigay sa health facilites tulad ng TB, HIV at iba pang sakit.
- Serbisyo ng mental health services.
Itong lahat ay kailangang naibibigay pa rin sa mga kababayan kahit mayroong pandemya ng COVID-19,” ani Vergeire.
Una nang sinabi ng DOH na may higit 70 referral hospitals na sa buong bansa ang operational na hahalili sa maraming bilang ng mga pasyente ng COVID-19 sa Metro Manila.