-- Advertisements --

ILOILO CITY – Pagpapalabas lang ng hinaing ang layunin ng kontrobersyal na si Pol. Lt. Col. Jovie Espenido sa pagkakaroon nito ng press conference kahit na mayroong gag order na inisyu sa kanya si Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Archie Gamboa.

Ito ay kasunod ng pagkadawit ng pangalan ni Espenido sa “narco list” ng gobyerno.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Espenido, sinabi nito na karapatan niya ang pagbigay ng pahayag sa media.

Ayon sa kanya, isang demokratikong bansa ang Pilipinas kaya karapatan din niyang linisin ang kanyang pangalan upang hindi siya masira sa mga sumusuporta sa kanya.

Ani Espenido, wala siyang may ibinunyag tungkol sa PNP o sa gobyerno bagkus ay kuwento lang ng kanyang buhay ang kanyang ibinahagi sa media.

Sa ngayon, pinapasa-Diyos na lang ng pulis ang lahat ng hinaharap niyang kontrobersya.