Ibinunyag ni Senador Panfilo “Ping” Lacson noong Miyerkules na inisyal na napagkasunduan ng mga miyembro ng Senate majority bloc na italaga si Senator Francis “Chiz” Escudero bilang presiding officer ng impeachment court laban sa kaso ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Lacson, napag-usapan ito ng mayorya at si Escudero ang napipisil dahil sa kanyang karanasan sa impeachment proceedings at pagiging abogado.
Matatandaang si Escudero ay dati nang namuno sa impeachment court noong 2025. Gayunman, nilinaw ni Lacson na hindi pa pinal ang desisyon at maaari pa itong magbago.
Kauugnay nito itinanggi ni Lacson na may kapalit na kasunduan ang posibleng pagkakatalaga kay Escudero, at sinabing ang usapan ay para lamang mapanatili ang maayos na proseso ng impeachment court.
Samantala, inaasahang magpupulong ang impeachment court sa Hulyo 6, 2026, habang may nakatakdang pre-trial conference sa Hunyo 18 na posibleng isara sa publiko.
Ang impeachment case laban sa Bise Presidente ay nakabatay sa mga paratang na kinabibilangan ng paglabag sa Konstitusyon, graft and corruption, betrayal of public trust, panunuhol, at iba pang mabibigat na akusasyon.
















