-- Advertisements --

Pinuri ni Senator Francis “Chiz” Escudero si Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa paggawa nito ng blacklisting committee sa Department of Agriculture.

Matatandaan na inilagay ni Laurel si DA Legal Service Director Willie Ann Angsiy at Procurement Division Chief Melinda Deyto bilang chair at vice chair, ng blacklisting committee.

Ani Esudero, “Matagal ko nang kilala si Secretary Laurel, at hindi magnanakaw ‘yan. Hindi rin ‘yan madaling madala ika nga sa pananakot o anumang uri ng panloloko (I’ve known Secretary Laurel for a long time, and he is no thief. He is also not easily intimidated or engaged in any kind of fraud),”

Dagdag pa ng Senador, umaasa umano siya na sa binuong committee ni Laurel ay matutukoy na ang mga totoong hoarders at smugglers.

Nauna nang inilabas ng Kalihim ang Special Order 11 na lumilikha ng central blacklisting committee ng DA para palakasin ang kampanya ng gobyerno laban sa mga walang prinsipyong manufacturer, supplier, contractor, consultant gayundin ang mga hoarder at smuggler ng mga produktong pang-agrikultura bilang bahagi ng malalaking pagbabago na ipinangako niya sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Itinalaga rin niya si DA Internal Audit Service Director Christopher Bañas para maging miyembro ng komite.

Nagpahayag naman ang Senador ng kanyang buong suporta sa desisyon ni Laurel na simulan ang mga pagbabago sa organisasyon sa DA dalawang buwan lamang matapos itong italaga ni Pangulong Marcos.