Ikinukunsidera ng Energy Regulatory Commission (ERC) na gumawa ng legal action para mapilitan ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na magsumite ng mga kaukulang dokumento para sa nagpapatuloy na comprehensive performance audit.
Ginawa ni ERC chairperson Monalisa Dimalanta ang pahayag nang tanungin ang kalagayan ng progreso ng performance audit ng ERC sa NGCP.
Aniya, nakaka-encounter ang kumpanya ng mga delay sa performance audit, partikular sa pagkuha ng impormasyon mula sa auditee na NGCP.
Habang nakabinbin ang naturang impormasyon, sinabi ni Dimalanta na sinimulan na ng ERC ang trabaho nito sa pamamagitan ng paggamit ng data na kinasasangkutan ng pagsusuri sa power transmission reset rates na itinakda ng NGCP.
Ang nasabing resulta ng pagsusuri ay inaasahang ilalabas sa Oktubre.
Gayunpaman, tiniyak ni Dimalanta sa publiko na ang ERC ay may sapat na kapangyarihan para sumunod ang NGCP sa mga pamamaraan ng audit procedures.