-- Advertisements --

Pinapasiguro ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Atty. Francis Juan na hindi na ipapasa pa muli sa ibang bayarin ang tatanggalin na bayad sa systems loss.

Ito ay bilang kasagutan sa pangamba ng publiko na baka ibalik din ang naturang bayarin sa ibang power charge, o baguhin lamang ang kategorya nito.

Ayon kay Atty. Juan, sa inisiyal na talakayan ng government agencies na may pangunahing saklaw sa power services, nais ng mga ito na kung tatanggalin man ang naturang charge, dapat nang tuluyan itong mawala sa power bill at hindi lamang ma-recycle.

Ayon sa ERC, pabor ang komisyon sa mga repormang magpapagaan sa gastusin ng mga consumer habang tinitiyak na mananatiling maayos ang operasyon ng mga distribution utility.

Gayunman, sinabi niyang obligado pa ring bayaran ng mga distribution utility ang kabuuang dami ng kuryenteng ibinibigay ng mga generation company at ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP). Kaya naman giit niya na ito dapat ang linawin sa kung sino na ang magbabayad nito.

Sinabi rin ng komisyon na nakahanda itong makipagtulungan sa Kongreso, Department of Energy (DOE), iba pang ahensya ng pamahalaan, at mga stakeholder sa industriya upang maihanda ang mga kinakailangang batas at regulasyon para maisakatuparan ang panukala.

Bago nito ay nagpahayag ng pangamba ang ilang owner distributor na kung aalisin ang system loss charge, kakailanganin pa ring magkaroon ng ibang mekanismo upang mabawi ang naturang gastos.

Ayon kay Atty. Juan, ito ang dapat malinaw sa mga susunod pang serye ng konsultasyon sa buong power bloc.

Sa kasalukuyan, nananatili aniyang mataas ang singil sa kuryente sa buong Pilipinas dahil na rin sa nagpapatuloy na giyera sa Gitnang Silangan na labis na nakaka-apekto sa inaangkat na petroleum products ng bansa.

Malaking porsyento rin kasi ng power service sa bansa ay nakadepende o pinapagana ng petroleum products.