Lalo lamang magiging magulo at mahihirapan ang mga magsasaka at hog raisers sakaling matuloy ang pagbaba ng ipinapataw na taripa sa mga inaangkat na karne ng baboy, ayon kay House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda.
Sa pagdinig ng kanyang komite ngayong araw, mariing tinutulan ni Salceda ang mga mungkahi na bawasan ang taripa sa mga inaangkat na karneng baboy sa harap ng mababang supply bunsod ng African swine fever.
Kung tutuusin, aabot lamang sa P.50 ang epekto sa presyo ng karne ng baboy kapag matuloy man ang pagbaba ng taripang ipinapataw sa imported pork products, ayon kay Salceda.
Wala aniyang logic na babaan ang taripa lalo pa at pumapalo sa P400 kada kilo ang presyo ng karne ng baboy sa ilang merkado, kahit pa nga na ang kasalukuyang pork tariffs ay 40% lang at ang imported price ay nasa P187 kada kilo.
Nagbabala si Salceda na tanging ang mga malalaking negosyante lamang ang magbebenepisyo sa oras na bawasan ang taripa kahit pa ang global prices ay hindi hamak na mas mababa na kumpara sa domestic prices.
Suhestiyon ni Salceda: payagan ang mas maraming imports sa ilalim ng kasalukuyang tariff rates, at gamitin ang kita rito bilang ayuda sa swine industry.
Sa kanyang tantya, aabot sa P14 billion pa ang kikitain ng pamahalaan mula sa pagpataw ng 40 percent tariff sa imported pork products.