-- Advertisements --

Muling binuhay ang panawagan ng environment groups para ipahinto ang konstruksiyon ng Kaliwa Dam kasabay ng pag-alala ng Save Sierra Madre Day nitong Setyembre 26.

Ayon kay Stop Kaliwa Dam Project Convenor at Save Sierra Madre Network Inc. Executive Director Conrad Vargas, sa oras na simulan na ang konstruksyon ng kaliwa dam at naitayo na ay disgrasya ang mangyayari sa karamihan sa mga tao.

Nanindigan naman si Vargas na kailangan pang makapag-secure ng naturang proyekto ng lahat ng kailangang permits subalit iniulat na sinimulan na ang konstruksiyon ng dam para sa access road patungo sa planned site para sa Kaliwa dam. Aniya, nasa 10 hanggang 12 kilometro na ng aspaltong kalsada ang nagawa na habang sinimulan na ang road widening sa lugar.

Sa proposed plan ng pagtatayuan ng Kaliwa dam saklaw ang hurisdiksiyon ng tatlong munisipalidad kabilang ang Tanay sa Rizal at Infanta at General Nakar sa Quezon Province.

Ilan sa mga permit na kailangang ma-secure bago magpatuloy ang naturang proyekto ay magmumula sa nasabing mga lokal na pamahalaan at resolution at permit mula sa Protected Area Management Board (PAMB).

Paliwanag ni Vargas na wala pa silang joint resolution at iniisyung permit ng PAMB para pahintulutan na ang pagpapatayo ng Kaliwa Dam.

Kayat kinuwestyon nito ang pagsisimula ng pagtatayo ng access road na walang permit. Marami na aniyang mga paglabag na kanila ng isinumite sa DENR para magkaroon ng resolution.

Sa ngayon, nakasuspendi ang access road construction.

Ang pagtatayuan ng kaliwa dam ay pasok sa loob ng kaliwa watershed forest reserve na nakadesinyo bilang natural woildlife park sanctuary at tahanan ng mga hayop kayat ito ay isang protected area.

Samantala, tinukoy din ni Vargas ang bilateral loan na inutang ng gobyerno ng Pilipinas para pondohan ang konstruksyon ng naturang dam ay mapapasa sa mga taumbayan kabilang ang mga tag-Mindanao na hindi nakikinabang sa tubig na magmumula sa dam.

Una rito ang kaliwa dam ay isang proyekto bilang bagong water source para matustusan ang tumataas na demand sa suplay ng tubig sa Metro Manila, Rizal at Quezon para mabawasan ang total dependence sa Angat Dam.

Una na rin tiong umani ng batikos dahil may negatibo itong impact sa ating kalikasan at sa mga residente na naninirahan sa Sierra Madre mountains.