Inilunsad ngayon ni Chief Justice Diosdado M. Peralta kasama ang bagong talagang si Philippine National Police (PNP) Chief Camilo Pancratius P. Cascolan ang Enhanced e-Warrant System sa En Banc Session Hall ng Supreme Court (SC).
Layon ng kauna-unahang Enhanced e-Warrant System na maging automated na ang pagsisilbi ng arrest warrants sa lahat ng korte para lalong mapabilis at lalong maging epektibo abg serbisyo ng mga law enforcement agents.
Tugon din umano ang paperless transmission ng mga dokumento ang nararanasang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ang Enhanced e-Warrant System ay nakatakdang mag-operate bilang online database ng warrants of arrest para sa real-time updates sa mga status ng warrants at ang mga aksiyon ng mga otoridad.
“With the nationwide roll-out of the Enhanced e-Warrant System, we are able to adopt technologically-advanced innovations in our court processes for a more accessible, efficient, effective and responsive administration of justice,” ani Peralta.
Dahil naman sa coordinated efforts ng PNP Directorate for Investigation at Detective Management (DIDM) Director, Police Major General Elmo Francis O. Sarona at Office of Court Administrator Jose Midas P. Marquez, naisilbi na ang kauna-unahang e-Warrant ngayong araw sa pamamagitan ni Hon. Maria Gracia Cadiz-Casaclang, Presiding Judge, Branch 155, Regional Trial Court (RTC), Pasig City na kinasasangkutan ng kasong qualified theft.
“Central to my vision of leading a more reliable and credible police force is the improvement of crime solution efficiency. The Enhanced e-Warrant System in all courts and police stations will contribute in securing an ideal scale of effectiveness in crime solution,”ani Cascolan.
Kasunod naman ng pagdetermina sa probable cause ng korte, lahat ng mga mandatory details para sa pag-iisyu ng arrest warrant ay electronically encoded na at naisasagawa sa pamamagitan ng Enhanced e-Warrant system para maipadala kaagad sa mga police station na mayroont hurisdiksiyon sa kinaroroonan ng akusado at ng himpilan na siyang nagsampa ng kaso.
Kapag natanggap na ng police stations ang e-Warrant, ang mga concerned police officers ay mayroon namang 10 araw para makapagbigay ng kanilang feedback sa pamamagitan ng naturanf sistema.
Ang real-time feedback mechanism ay puwedeng tingnan ng lahat ng korte sa buong bansa.
Puwede ring ma-access ng mga korte ang system para madetermina kung ang akusado ay mayroon pang nakabinbing mga kaso sa ibang korte.
Ang launching ay para sa nationwide roll-out ng Enhanced e-Warrant System sa 2,600 na korte at 1,900 police stations sa buong kapuluan.
Kasabay nito, nakahanda naman daw ang Korte Suprema sa pamamagitan ng Office of the Court Administrator at PNP-DIDM na magsagawa ng online regional trainings para sa mga courts at police stations kapag naipatupad na ang Enhanced e-Warrant System.
Bago magtapos ang taon, inaasahan na ng SC ang full implementation ng Enhanced e-Warrant System kapag natapos na ang online training ng mga korte at mga pulis.