-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nakasagupa ng tropa ng 95th Infantry Battalion na nasa operational control ng 501st Infantry Brigade ang hindi pa mabatid na bilang na miyembro ng Komunistang Teroristang Grupo sa Aridowen, Sta. Teresita, Cagayan, kahapon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Capt. Bryan Albano, Civil Military Operations Officer ng 501st Infantry Brigade, Philippine Army, sinabi niya na habang nagsasagawa ng patrolya ang mga sundalo ay may nagpabatid na concerned citizen na nakita niya ang mga armadong miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG).

Agad nagsagawa ng operasyon ang mga sundalo sa kinaroroonan ng mga rebelde at nagkaroon ng engkwentro.

Ayon kay Capt. Albano, ilang bakas ng dugo ang nakita ng mga sundalo sa pinangyarihan ng engkwentro kaya posibleng may nasugatan sa mga nasabing rebelde.

Aniya, mula pa noong buwan ng Marso pinaghahanap ng mga sundalo ang nasabing grupo ng mga rebelde na nagtatago sa mga kabundukan at liblib na lugar sa lalawigan ng Cagayan at ilang engkwentro na ang nangyari sa pagitan ng pamahalaan at mga rebelde.