-- Advertisements --

Binigyang-diin ng mga eksperto at maging ng opisyal sa Departament of Energy (DOE) na hindi maaaring balewalain ang kinakaharap na problema sa energy supply na posibleng mauwi sa krisis dahil maituturing itong national security issue.

Sa harap ito ng napipintong Malampaya gas field depletion pagsapit ng 2027 at patuloy na pagnipis ng power supply sa bansa bunsod ng tumataas na demand.

Sinabi ni Francis Richard Rabulan, officer-in-charge (OIC) ng Planning Division sa ilalim ng Energy Policy and Planning Bureau (EPPB) – Department of Energy (DOE), bagama’t pinalawig ni Pangulong Marcos ng 15 taon pa ang production contract ng Malampaya Gas Field, hindi pwedeng magpakante sa resources ng nasabing gas fields.

Ayon sa Energy executive, dapat humanap ng ibang energy sources dahil apektado ang oil and gas exploration sa West Philippine Sea ng nagpapatuloy na territorial conflict sa pagitan ng China at Pilipinas.

Payo naman ng Energy expert at dating National Power Corporation (NPC) head na si Guido Delgado na dapat tinitingnan ng gobyerno ang energy efficiency and sufficiency bilang national security issue.

Kapag hindi raw ito napaghandaan ay makakaapekto ng malaki sa pag-unlad at development ng bansa.

Kapwa iginiit nina Delgado at Rabulan na bilang arkipelagong bansa kung saan napapalibutan ng malawak na karagatan, makikinabang tayo sa pag-develop ng ocean and tidal energy.