-- Advertisements --

Nakikita ng isa sa mga opisyal ng Department of Energy (DOE) ang lagay ng presyuhan ng langis sa bansa para usisain ang mga kandidato sa national positions hinggil sa kung paano ito matutugunan sa hinaharap.

Ayon kay DOE Undersecretary Gerardo Erguiza, panahon na para tanungin din ang mga kandidato hinggil sa kanilang energy agenda para sa buong bansa.

Ngayong araw kasi sa ika-10 pagkakataon, ay muling tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Ang P5.85 na dagdag sa presyo ng kada liktro ng diesel at P3.60 naman sa kada litro ng gasolina ay pinakamalaking pagtaas sa mga nakalipas na buwan.

Nangyari ito dahil na rin sa komplikasyon na dulot ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Iginiit ni Erguiza na wala namang kakulangan sa supply ng langis sa Pilipinas sa ngayon, pero nagiging komplikado ang sitwasyon dahil sa Russia-Ukraine crisis.

Bukod dito, “global problem” na rin aniya sa ngayon na hindi nakakasabay ang supply production sa taas ng demand kasunod na rin nang pagbukas ng ekonomiya ng napakaraming mga bansa sa harap ng pandemya.

Nauna nang sinabi ng DOE na mayroon silang short-term at long-term interventions upang mapagaan man lang ang pasanin ng mga mamamayan tulad na lamang ng Pantawid Pasada program para sa mga driver beneficiaries at P1 hanggang P4 promo discounts mula naman sa mga oil companies.