-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Umaabot sa 96% ang employment rate ng Region 2 ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) Region 2.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Director Joel Gonzales ng DOLE Region 2 na ang isinagawang Job Fair kahapon sa lunsod ng Ilagan na bahagi ng Bambanti Festival ay kasagutan sa mga naghahanap ng trabaho para sa mechanical engineer, occupational health physician at marami rin ang iniaalok sa technical skills at skilled workers tulad ng driver, liason officer at checkout supervisor.

Sinabi pa ni Regional Director Gonzales na mayroon ding trabahong iniaalok para sa mga under-graduate tulad ng merchandizer.

Aniya, mabilis ang recovery ng ekonomiya sa ikalawang rehiyon at mataas din ang employment.

-- Advertisement --

Magugunitang nakiisa ang 42 employers kabilang ang Bombo Radyo Cauayan sa isinagawang PESO Job Fair sa PSWDO Lobby, Provincial Capitol Compound, Alibagu, City of Ilagan, na bahagi ng Bambanti Festival 2023.

Sa ngayon ay pinagtutuunan ng pansin ng nasabing kagawaran ang productivity na kailangan ng mga employers at kung anong interventions na makakatulong ang DOLE para sa kanila.

Binigyang diin ng DOLE na ipinapatupad na ang P420 daily wage sa non-agriculture sector habang sa agriculture sector ay P400.

Sa mga susunod na buwan ay magsasagawa sila ng mga inspection sa mga bahay kalakal upang matiyak na naipapatupad ang bagong minimum wage.