Nilinaw ni Probinsyano Ako party-list Rep. Jose “Bonito” Singson Jr. na maaring gawing regular ng mga employers ang kanilang mga empleyado anumang oras sa loob ng kanyang mungkahing 24-buwang probationary employment period.
Paglilinaw ito ni Singson matapos na tutulan ng ilang labor agencies at grupo ang inihain niyang House Bill 4802, na naglalayong palawigin ng hanggang dalawang taon ang kasalukuyang anim na buwan na propationary period ng mga manggagawa.
Iginiit ng kongresista na ang intensyon niya sa paghahain ng naturang panukala ay para maisalba ang mga emplyedo na mawalan kaagad ng kanilang mga trabaho, at mapilitan ang gma ito na maghanap ng papasukan tuwing anim na buwan.
Nauna nang sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na masyadong mahaba ang 24 na buwan na probationary period.
Kung mangangailangan man aniya ng mas mahabang panahon ang isang empleyado para ma-familiarize sa trabaho nito, sinabi ni Bello na maari naman pumasok ang mga ito sa isang apprenticeship agreement sa kanilang employer.
Tinutulan din ng labor group na Bukluran ng Manggagawang Pilipino ang mungkahi ni Singson at sinabing panlilinlang ito para lamang ma-exploit ang mga mamggagawa.