-- Advertisements --

Bukas ang Food and Drug Administration (FDA) sakaling magpa-rehistro para sa emergency use dito sa Pilipinas ang isang COVID-19 vaccine ng China na nakatakda na raw aprubahan ng Chinese FDA.

Ayon kay FDA director general Eric Domingo, aabutin ng 45 hanggang 60-araw ang proseso ng kanilang evaluation bago makapaglabas ng desisyon kung papayagang magamit para sa mga emergency na kaso ang sinasabing bakuna.

“Requirement talaga natin na approved siya sa home country. Kamukha nito, na-approve sa kanila (China) as emergency use license, then they can apply with us and usually ang difficulty natin diyan yung translation ng data, ipapakita sa atin,” ani Domingo sa Malacañang press briefing.

Maaari lang daw mapabilis ang proseso ng aplikasyon kung ang naturang bakuna ay nagpakita ng magandang datos, kinikilala ng World Health Organization (WHO), at rehistrado ng kanilang local regulatory agency.

“Except kung talagang very compelling, makikita natin na napakaganda ng datos, at makakuha ng WHO pre-qualification. ‘Yang mga bagay na yan ay nakakapag-pabilis ng proseso rito sa FDA.”

Kamakailan nang sabihin ni Philippine Ambassador to China Chito Sto. Romana na malapit nang mag-apruba ang Chinese FDA ng bakuna laban sa COVID-19.

Walang pinangalanan na bakuna ang opisyal, pero noong Agosto magugunita na binigyan ng approval for emergency use ng foreign FDA ang “CoronaVac” vaccine ng kompanyang Sinovac para magamit sa China.

Ang bakuna rin ng nasabing biopharmaceutical company ang nangunguna sa mga aplikasyon na magkaroon ng clinical trial dito sa bansa.

Sa huling update ng Department of Health, lumusot na sa Vaccine Expert Panel ang clinical trial application ng Sinovac. Kailangan pa nilang makakuha ng approval mula sa Research Ethics Board at FDA bago ito masubukan sa mga Pilipinong pasyente.