-- Advertisements --
GSIS

Inanunsyo ng Government Service Insurance System (GSIS) na naka standby na ang emergency loans para sa mga miyembro at pensioners nito sa lalawigan ng Albay na maaaring ma-displace at maapektuhan sakaling sumabog ang bulkan.

Ginawa ni GSIS president at general manager Arnulfo Veloso ang naturang pahayag matapos ianunsiyo ng Phivolcs ang posibilidad ng pagtaas ng alerto sa bulkang Mayon sa Alert level 4.

Sa ilalim ng emergency loan, ang mga miyembro na mayroong existing emergency loan balance ay maaaring humiram ng hanggang P40,000 para mabayaran ang kanilang nagdaang emergency loan balance at maaari pa ring makatanggap ng maximum net amount na P20,000.

Habang ang mga wala namang existing emergency loan ay maaaring mag-apply ng P20,000.

Ang mga pensioners ay kwalipikado ring mag-apply ng loan na P20,000.

Ang mga kwalipikadong mag-avail ng emergency loan ay ang mga aktibong GSIS members at naninirahan o nagtatrabaho sa calamity area , walang unpaid leave, mayroong minimum na tatlong buwan na paid premiums sa nakalipas na anim na buwan at walang due at demandable loan at dapat ay walang kasong administratibo o kriminal at mayroong net take-home pay na P5,000 matapos na makaltasan ng lahat ng buwanang obligasyon.