-- Advertisements --
ISRAEL CONFLICT

Kinumpirma ng Embahada ng Pilipinas sa lungsod ng Tel Aviv sa Israel na patuloy pa rin nilang pinaghahanap ang 6 na Pinoy na kasama sa 29 na Pinoy na unang naiulat na nawawala matapos na sumiklab ang giyera sa nasabing bansa noong Oktubre 7 ng kasalukuyang taon.

Ayon kay Patricia Narajos , Vice Consul ng Philippine Embassy sa Tel Aviv, patuloy ang kanilang ginagawang pag-iikot sa mga hospitals upang mahanap ang mga ito.

Nakipag coordinate na rin aniya ang embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv sa mga awtoridad dahil na rin sa posibilidad na nabihag ang mga ito ng Hamas at dinala sa Gaza.

Patuloy rin ang kanilang ginawang kumpirmasyon matapos na maiulat na posibleng patay na ang isa sa anim na Pinoy na natitirang nawawala.

Ito ay batay na rin sa agency na may hawak sa nasabing biktima.

Samantala, idinetalye naman ng opisyal na matagumpay na nailigtas sa tulong ng Israeli Defence Forces ang 23 Pinoy na naiulat na nawawala.

Karamihan aniya sa mga ito ay nawalan lamang ng komunikasyon sa kanilang mga pamilya at ang iba naman ay na rescue mula sa Kibbutz , isang komunidad sa Israel.

Ang Kibbutz ay kabilang sa mga itinuturing na high conflict areas sa nagpapatuloy pa rin na giyera sa pagitan ng Israel at Palestine.

Sa ngayon , ayon kay Narajos, wala pang Pinoy sa Israel ang nagpaabot sa embahada ng pagnanais na umuwi ng Pilipinas sa kabila ng nagpapatuloy na tension sa lugar.

Bagamat nakatatanggap aniya sila ng mga tawag mula sa mga Pilipinong nasa Israel ngunit ito ay mga precautionary measures lamang.

Ilan sa mga ito ay nagpapalista na ng kanilang pangalan sakaling lumala ang gulo sa Israel at magdesisyon ang gobyerno ng Pilipinas na pauwiin ang lahat ng Pinoy mula sa naturang bansa.