-- Advertisements --

BOMBO ILOILO – Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng embahada ng Pilipinas sa mga Pinoy sa Kazakhstan kasunod ng nangyayaring kaguluhan sa nasabing bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Vice Consul Catherine Alpay ng Philippine Embassy sa Moscow, Russia, sinabi nito na sa kanilang pakikipag-usap sa mga Filipino sa main city ng Almaty at capital ng Nur-Sultan, ‘safe’ pa ang mga ito.

Ayon kay Alpay, ang problema lang sa ngayon ay ang hindi stable na internet connection sa nasabing lugar at sinasabing kinukulang na ang suplay ng tubig.

Nagbigay naman ang abiso si Alpay sa mga Pinoy na magdoble ingat at panatilihing maging updated sa nangyayari sa nasabing bansa.

Nasa 1,500 ang nagtatrabahong Pinoy sa Kazakhstan kung saan karamihan sa kanilya ay guro, construction workers, at household service workers.

Magugunitang nag-umpisa ang protesta dahil sa reklamo ng mga tao sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo hanggang sa lumobo ang kanilang galit sa gobyerno dahil sa corruption, living standards, kahirapan at unemployment.