Masusing binabantayan ng Philippine Embassy sa Australia ang gumugulong na imbestigasyon sa pagkamatay ng 63-anyos na Filipino crew member sa Vanuatu.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nakikipagtulungan na raw ang local manning agency ng namatay na manlalayag sa principal company nito. Gayundin sa local company sa Vanuatu na nangunguna sa imbestigasyon ng kaso.
Nakahanda umano ang embahada sa Ustralia na magbigay ng nararapat na tulong para sa pagpapa-uwi ng mga labi ng biktima.
Batay sa mga ulat, namataan ang katawan ng Pinoy sa Pango Beach sa Port Vila harbor noong Linggo, Abril 11, 2021. Ang Filipino seaman ay crewmember ng British-flagged tanker na Inge Kolsan.
Napag-alaman ng mga otoridad sa nasabing lugar na nawawala ang isa sa mga lulan ng tanker noong papaalis na ito sa Port Villa.
Kaagad inatasan ang barko na bumalik sa pantalan upang magsagawa ng search and rescue mission ang mga pulis.
Noong natagpuan na ang katawan ng biktima, kaagad itong dinala sa Vanuatu Central Hospital morgue kung saan sumailalim ito sa COVID-19 testing.
Lumabas na positibo pala sa nakamamatay na virus ang naturang seaman, dahilan upang ipatupad ang three-day lockdown sa Efate, ang capital island ng Vanuatu, para magsagawa ng contact tracing procedure.
Sa kasalukuyan ay hindi pa pinayagan ang Inge Kosan tanker na muling maglayag hangga’t hindi pa lumalabas ang imbestigasyon.
Dagdag pa ng DFA na wala pa itong natatanggap na impormasyon tungkol sa labi ng Filipino seaman.