-- Advertisements --
OFW

Naniniwala ang isang mambabatas na malaking tulong para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) ang isinusulong nitong electronic voting at registration.

Kasunod na rin ito ng paghahain ni OFW Party List Rep. Marissa Magsino ng House Bill 6770 para payagan ang mga overseas Filipino workers (OFWs) at mga seafarers na mag-register, makatanggap ng balota at bumoto sa pamamagitan ng available electronic gadgets.

Sinabi ng mambabatas na kailangan na raw maamiyendahan ang kasalukuyang batas sa pamamagitan ng pag-expand ng voting methods para maiwasan ang voting disenfranchisement ng nasa 1.83 million overseas Filipino workers.

Ito ay para na rin daw mahikayat ang mga kababayan nating nasa ibayong dagat na bumoto.

Base raw kasi sa Office of the Overseas Voting (OOV) ng Commission on Elections (Comelec), sinabi ni Magsino na nasa 472,559 daw ang bumoto noong nakaraang halalan kumapara sa 1.69 million registered overseas voters.

Mayroon lamang itong voter turn-out na 27.87 percent sa 2022 national at local elections.

Layon naman ng naturang panukalang batas na amiyendahan ang Republic Act 9189 o ang ‘Overseas Absentee Voting Act of 2003.

Sa pamamagitan ng proposed measure papayagan dito ang electronic voting para sa mga overseas Filipino workers.

Sa pamamagitan ng naturang mode ay kasali ang electronic mail, web-based portals at iba pang internet-based technologies.

Depensa ni Magsino, ang electronic voting ay pinapayagan sa ibang bansa para sa ilang sectors na nasa ibang bansa rin partikular na rito ang mga uniformed personnel at kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng email, fax o internet-voting platforms.

Aniya, matapos maipasa ang amendatory law noong 2013, ang voting methods para sa mga Pinoy abroad ay nananatili pa ring limitado partikular na ang mga Filipino seafarers dahil na rin sa kanilang trabaho na palipat-lipat ng bansa.

Kaya naman hindi sila nakakaboto dahil ang mga overseas Filipino workers ay pinapayagan lamang sa pamamagitan ng person o postal voting sa mga Philippine embassy, consulate o foreign service establishment sa mga bansa na matatagpuan sa pinakamalapit na foreign seaport o ang lugar ng kanilang mga trabaho.