KALIBO, Aklan – Bumaba sa kabuuang 6.1 percent ang ekonomiya ng Western Visayas nitong nakaraang taon kumpara sa 8.6 percent noong 2017 dahil sa anim na buwang pagpapasara sa isla ng Boracay.
Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Regional Director Ro-Ann Bacal, ito ay batay sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA) Statistical Services Office Region 6.
Ang paglago ay mababa ng kaunti sa national gross domestic product (GDP) na 6.2 percent.
Dahil sa pansamantalang pagpapasara sa Boracay noong Abril hanggang Oktubre 2018, bumagsak ang bilang ng mga turista sa rehiyon ng 15 percent, mula sa 5.8 million noong 2017 ay umabot lamang ito sa 4.9 million noong 2018.
Sinabi ni Bacal na ang 900,000 na pagbagsak ng mga bisita sa isla ay nagdulot ng pagkalugi sa iba’t ibang sektor ng negosyo.