-- Advertisements --
VP Sara

Matapos ang pagkamatay ng Grade 5 student makaraang sampalin umano ng guro, pinaalalahanan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang mga guro na alagaan at huwag sasaktan ang mga bata.

Ginawa ng Ikalawang Pangulo ang pahayag kasabay ng pagdiriwang ng National Teacher’s Day sa Butuan City kung saan ni-raise nito ang isyu kaugnay sa pagkamatay ni Francis Jay Gumikib na na-coma ilang araw matapos itong sampalin ng kanyang Filipino teacher sa Peñafrancia Elementary School.

Ipinaalala di ni VP Sara sa lahat ng kaguruan na mapa-pisikal man, sekswal, o verbal abuse hindi dapat na gawin ito sa mga batang ipinagkatiwala ng kanilang mga pamilya o komunidad sa kanilang pangangalaga.

Sinabi pa ni VP Sara sa mga guro na makakaapekto sa buhay ng mga estudyante ang kanilang ginagawa kayat dapat na tiyaking ang kanilang mga aksyon ay positibo.

Dapat din na alagaan, hubugin ang mga bata na maging mabuting mamamayan para sa kinabukasan ng ating bansa, dapat din aniya na tiyaking masaya silang natututo sa kanilang itinuturo.

Sinabi din ni VP Duterte na kanyang inaantay ang resulta ng autopsy mula sa mga awtoridad.