Education assistance na naipamahagi sa Central Visayas, umabot na sa P10.5M – DSWD-7
Aabot sa humigit-kumulang 3,307 estudyante ang nakatanggap na ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) base sa inilabas na data ng Department of Social Welfare and Development sa Central Visayas.
Sa inilabas na data na may petsang Agosto 27, kabuuang P10,515,000 halaga na ng cash assistance ang naipamahagi ng ahesiya sa buong rehiyon para sa mga kwalipikadong estudyante.
Karamihan pa sa mga nakatanggap ay mula sa Cebu, kung saan mayroong 1,650 indibidwal; 1,123 mag-aaral sa Negros Oriental; Bohol na may 467 indibidwal na ang nakatanggap ng cash assistance; at 67 mula sa Siquijor .
Nagtakda naman ang ahesya ng karagdagang mga timeline para sa pagpapalabas ng nabanggit na halaga.
Pansamantala namang isinara ang online application sa education assistance upang pamahalaan ang pagdating ng mga aplikasyon.