Nagtakda ng kundisyon ang Kamara na dapat physically present ang mga miyembro ng economic team ng Malakanyang sa plenary deliberations ng 2023 General Appropriations Bill na nagkakahalaga ng P5.268-trillion pesos.
Sa Ugnayan sa Batasan Majority forum, sinabi ni Congresswoman Janet Garin, Vice Chairman ng House Committee on Appropriations, mahalaga ang presensiya ng mga ito para maipaliwanag at masagot ng maayos ang mga tanong at interpellation ng mga kongresista sa budget ng mga government agencies.
Karamihan sa mga miyembro ng economic team ng Malakanyang ay kasama sa biyahe ni Pangulong Bongbong Marcos sa Amerika kung saan dadalo ang Pangulo sa United Nations General Assembly.
Ang economic team ang bumubuo din sa Development and Budget Coordination Committee (DBCC) na magpi-prisinta sa dalawang kapulungan ng Kongreso sa mga probisyon ng 2023 General Appropriations Bill.
Siniguro naman ni Garin, uusad ang pagtalakay sa 2023 proposed national budget at inaasahan na makakahabol sa plenary deliberations ang mga miyembro ng economic team.
Inaasahan na darating sa September 24 si Pangulong Marcos at kanyang delegasyon mula sa working visit sa Amerika.