Target ng Kamara na maaprubahan sa lalong madaling panahon ang economic stimulus plan para sa muling pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas sa epekto ng COVID-19 crisis.

Pagkatapos na bumulusok sa 0.2 percent ang gross domestic product (GDP) growth rate ng bansa sa unang tatlong buwan ng taon, iginiit ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda ang kahalagahan nang pagkakaroon ng economic recovery plan.

Sa ngayon, isinasapinal na aniya ng economic cluster ng House Defeat COVID-19 Committee ang consolidated version ng P485-billion Philippine Stimulus Act (PESA).


Patuloy din aniya ang kanilang pakikipag-ugnayan sa economic managers para sa posibilidad na mapadali ang pag-apruba ng sa isinusulong nilang panukala.


Ayon sa isang source, target ng House Defeat COVID-19 Committee na maaprubahan ang stimulus proposal sa darating na Lunes, Mayo 11.

Nauna nang sinabi ni House Committee on Economic Affairs chairperson Sharon Garin na nasa 30 million manggagawa ang maaring mawalan ng trabaho kapag hindi magkakaroon ng economic stimulus interventions ang pamahalaan.

Aabot sa P18 billion ang nawawala sa kita ng bansa sa kada araw ng lockdown, ayon naman kay Marikina Rep. Stella Quimbo.