-- Advertisements --

Tiniyak ni Subcommittee on Economic Stimulus Response Package (ESRP) co-chair Sharon Garin sa European business groups sa Pilipinas ang pagkilos ng pamahalaan patungo sa pagkakaroon ng isang “resilient economy” sa pamamagitan ng long-term economic at industry reforms.

Sinabi ni Garin, isa sa mga pangunahing may-akda ng House Bill 6518 o ang ARISE Philippines ACT, na mayroon nang significant progress sa Kamara ang iba pang mga panukala na naglalayong maresolba ang economic impact ng dalawang buwang enhanced community quarantine.

Kabilang sa mga panukalang ito ay ang COVID-19 Unemployment Reduction Economic Stimulus Act (CURES), Bayanihan to Recover as One (Bayanihan 2), and Financial Institutions at Strategic Transfer Law (FIST).

Iginiit ni Garin na nais nilang gawin ang handa ang bansa sakaling magkaroon man ulit ng pandemya, o kalamidad, sa hinaharap.

“If there’s another pandemic, our health institutions will be able to cope. If there’s any disaster in the future, food will arrive at the tables of the families. If there’s any financial crisis, our labor market is protected,” ani Garin.

Samantala, bagama’t mababa ang gross domestic product (GDP) growth projections ng financial institutions sa Pilipinas, patuloy aniyang kumikilos ang Kongreso katuwang ang economic managers ng Duterte administration para mapunuan ang socioeconomic gaps dulot ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Garin na sa pamamagitan ng reporma na kanilang isinusulong ay maging mas progresibo ang bansa sapagkat ang target aniya nila base sa 2040 projection ay 7 percent GDP growth kada taon.