Nakikita ng Department of Trade and Industry (DTI) na lalaki ang economic potential ng Pilipinas sakaling matuloy ang pag-amiyenda sa economic restrictions sa Saligang Batas.

Sa pagdinig ng House committee on constitutional amendment sa Resolution of Both Houses No. 2 sinabi ni Trade Sec. Ramon Lopez na maraming foreign investors ang mahihikayat na mamuhunan sa bansa kapag matanggal na ang aniya’y economic barriers sa 34-taong gulang na Charter.

Noong 2019, bago nagkaroon ng COVID-19 pandemic, sinabi ni Lopez na ang Pilipinas ang ikalawa sa may pinakamabilis na paglago ng ekonomiya sa Southeast Asia.

Ang DTI aniya noong mga panahon na iyon ay mayroon nang 90 investment leads, o mga seryosong investors na nagdesisyon na magtayo ng negosyo sa Pilipinas.

Pero kalahati lamang aniya ang bilang na ito sa bilang ng mga investors na posibleng magpasok ng negosyo kung hindi gaanong restrictive ang ekonomiya ng bansa.

Dagdag pa ni Lopez, sa nakalipas na 14 na magkakasunod na quarters naman, naitala ang average growth na 6 percent.

Sa kanyang tantya, aabot sa P330 billion ang karagdagang average annual foreign direct investments at 6.6 million na tarbaho naman ang malilikha mula sa RBH 2.