Umaasa ang ang economic managers ng Duterte administration na pagsapit ng Enero 2022 ay mailalagay na ang Metro Manila sa ilalim ng Alert Level 1, kasabay nang pinaigting na COVID-19 vaccination program.
Sa isang joint statement, sinabi nina Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, Finance Secretary Carlos Dominguez, at Budget and Management officer-in-charge Tina Rose Marie Canda na target ng pamahalaan na ma-sustain at mapabuti pa ang overall economic performance ng bansa kasunod na rin nang 7.1 percent economic growth sa third quarter ng 2021.
Para magawa ito, target anila ng gobyerno na lalo pang paigtingin ang COVID-19 vaccination, luwagan ang quarantine restrictions sa Enero sa 2022, at ma-maximize ng husto ang 2021 budget.
Binigyan diin ng mga economic managers na hanggang noong Nobyembre 7 ay 29.5 million katao na ang fully vaccinated kontra COVID-19, habang 34.7 million naman ang naturukan ng first dose.
Samantala, lagpas naman sa 4 percent programmed level ang government disbursement noong third quarter ng kasalukuyang taon.
Hangad anila ng pamahalaan na mas mapabuti pa ito sa pamamagitan ng “economic expansion” sa susunod na taon.