-- Advertisements --

Kumpyansa si House Committee on Constitutional Amendments chairman Alfredo Garbin Jr. na mapagbobotohan ng Kamara ang Resolution of Both Houses No. 2, o ang economic charter change, bago pa man ang sine die adjournment ng Kongreso sa Hunyo.

Sinabi ito ni Garbin ilang araw bago ang nakatakdang pagbabalik ng mga mambabatas sa kanilang sesyon sa darating na Mayo 17.

Sa kanilang pagbabalik sa plenaryo, sinabi ni Garbin na tatapusin nila ang debate para sa Resolution of Both Houses No. 2, dahil nasa pitong kongresista pa lang aniya ang nakalista para sa debate.

Dahil sa paulit-ulit na lamang din aniya ang diskusyon hinggil sa pag-amiyenda sa itinuturing na “restrictive economic provisions” ng 1987 Constitution, naniniwala si Garbin na madali na lang matapos ang debate para rito.

Nabatid na sa darating na Hunyo 5 ay nakatakda ang sine die adjournment ng Kongreso.

Babalik na lamang ulit sila sa Hulyo 25 para naman sa huling State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.