Binansagan ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas bilang “piecemeal Cha-cha” ang tatlong economic bills na sinertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan.
Pinapadali aniya ni Pangulong Duterte ang pagpasa sa mga panukalang batas na ito dahil bigo ang administrasyon na makumbinsi ang samabayan sa pag-amiyenda sa Saligang Batas.
Kahit naririyan pa aniya ang COVID-19 pandemic ay nais ni Duterte na ipasa ng Senado ang mga panukalang batas na ito.
Mababatid na Pebrero ng taong kasalukuyan nang magsimula ang plenary deliberations sa Resolution of Both Houses No. 2, na naglalaman ng mga panukalang amiyenda para sa restrictive economic provisions ng 1987 Constitution.
Subalit naudlot ang deliberasyon dito dahil sa Holy Week break ng mga mambabatas, na nakatakdang matapos sa darating na Mayo 17.
Sinertipikahang urgent kamakailan ni Pangulong Duterte ang panukalang batas na mag-aamiyenda sa Public Service Act, Foreign Investments Act of 1991, at Retail Trade Liberalization Act of 2000 sa hangarin na mapalakas pa ang investments sa bansa at masindihan ulit ang ekonomiya sa pamamagitan nang pagluluwag sa mga restrictions sa foreign investors.










