-- Advertisements --

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mag-eendorso siya ng isang kandidato para sa 2028 presidential elections, ngunit masyado pang maaga para pangalanan niya ito dahil marami pang maaaring mangyari sa pulitika. 

Paglilinaw ng Pangulo, wala pa rin aniyang pormal na pag-uusap sa sinumang politiko tungkol sa pagtakbo sa pagkapangulo.

Ayon sa Punong Ehekutibo, tinitingnan ng kanyang partido, ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP), ang mga posibleng alyansa sa iba pang political parties.

Aniya, sa ngayon maraming pangalan na ang lumulutang at isinasagawa rin ang mga survey para masukat ang kanilang suporta.

Gayunman, sinabi ng Pangulo na hindi pa malinaw kung gaano kapaki-pakinabang ang mga kasalukuyang survey dahil marami pang political events na maaaring makaapekto sa mga magiging desisyon.

Sa ngayon, aniya, “puro haka-haka lang” ang mga usapin tungkol sa kanyang magiging endorso.

Binigyang-diin ng Pangulo na layunin ng kanyang partido na pumili ng pinakamahusay na kandidato na magpapatuloy sa mga nasimulang programa at inisyatiba ng kanyang administrasyon.