Iginiit ni House prosecutor at Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno na dapat nakabatay sa ebidensya at hindi sa pulitika ang magiging desisyon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang panayam, itinanggi ni Diokno ang mga kumakalat na pahayag sa social media na may desisyon na umano ang ilang senator-judges bago pa man magsimula ang paglilitis.
Ayon kay Diokno, nakasaad sa mga tuntunin ng Senado na dapat maging politically neutral, patas, at objective ang mga senator-judges sa pagdinig at paghusga sa kaso.
Sinabi rin niya na mahalagang mapanatili ang tiwala ng publiko sa proseso ng impeachment sa pamamagitan ng maayos at patas na pagdinig.
Nakatakdang simulan ng Senate impeachment court ang pagdinig sa kaso sa Hulyo 6 matapos makumpleto ang pre-trial proceedings.
Samantala, sinabi ni Diokno na igagalang ng House prosecution panel ang magiging pasya ng Senado kung sino ang magsisilbing presiding officer sa impeachment trial. Wala pa umanong pinal na desisyon ang Senado tungkol dito.










