Nakabuwena mano rin ng panalo sa pagsisimula ng first round ng NBA playoffs ang mga top teams sa Eastern Conference na Miami Heat, Boston Celtics at defending champion Milwaukee Bucks.
Kinailangan ng Bucks na magdoble kayod dahil sa nameligro ito sa pagsisimula ng laro kanina laban sa Chicago Bulls.
Sa huli naigupo ng Milwaukee ang Bulls sa pangunguna ng dating MVP na si Giannis Antetokounmpo sa score na 93-86.
Nagtala si Giannis ng 27 points at 16 rebounds upang mahabol ang 16 points na kalamangan ng sixth seeded na Bulls.
Samantala sa ibang game, naging daan naman ang buzzer-beater na tira ni Jason Tatum upang makalusot ang Boston Celtics sa Brooklyn Nets, 115-114.
May kabuuang 31 points si Tatum para gulatin ang grupo nina Kevin Durant at Kyrie Irving.
Sa kabilang dako, tinambakan naman ng Miami Heat ang seeded No. 8 na Atlanta Hawks sa score na 115-91.
Hindi kinaya ng Atlanta ang pag-ulan ng three points shots mula sa Miami at ang mala-linta na depensa upang idiskaril ang mga diskarte ng All-Star guard na si Trae Young na nagpakita lamang ng walong kakarampot na puntos at nabokya pa sa three point area.